Sabado, Oktubre 7, 2017

Les Misérables

Ang pelikulang Les Misérables ay base sa isa sa mga pinakakilalang nobela ni Victor Hugo noong 1862. Ginawa ang pelikulang ito sa taong 2012 sa direksyon ni Tom Hooper. Ang pelikula ay kuwento noong taong 1815, Dalawampu’t anim na taon pagkatapos ng simula ng Rebolusyong Pransya kung saan ang hari na naman ang namumuno sa bayan. Umpisa pa lang ng pelikula,masyado na itong marahas; ipinakita dito ang kalunoslunos na sinapit ng mga alipin; gaano sila ka duguan at paano sila pinaparusahan kahit kaunti lamang ang kanilang naging kasalanan. May mga bahagi rin sa pelikula na hindi kaaya-aya katulad ng labis na pagbibintang at walang awa na pagpaparusa. Sa pelikulang Les Misérables, marami ang tauhan sa kuwento pero ang ilan sa kanila ay hindi na nabibigyang pansin, dahil dito nakakalito na kung ano ang parte nila sa pelikula. Higit sa lahat, ang mga linya ng mga tauhan ay sinasabi nila sa paraang pakanta, kaya hindi lubos na maintindihan ang mga ipinapahayag nila at dahil minsan masyadong mabilis o hindi kaya masyadong malalim ang mga salitang ginagamit sa kanilang mga pahayag.

Sa kabilang bahagi, maraming leksyon ang matutunan sa pelikula. Marami man ang mga tauhan at minsan  ay nakakalito na ngunit ang bawat isa ay may mahalagang kuwento na ipinapahayag sa mga manonood at sa bawat tauhan may mga leksyon na ibinabahagi. Mahusay ang direktor ng pelikula dahil nagawa niyang mailarawan ang mga pangyayari sa nakaraan. Ang mga gumanap bilang tauhan sa pelikula ay magaling at kamangha-mangha dahil makikita sa parte nila na isinasabuhay talaga nila ang kuwento ng mga ginampanang tauhan kaya nagiging makabagbag damdamin ang pelikula. Maliwanag na naibahagi ng kuwento kung gaano kahirap kunin ang demokrasya at kung gaano kahirap mamuhay sa mundo ng digmaan. May mga bahagi rin sa pelikula ang nakakapagbigay inspirasyon lalo na sa mga taong hindi pa rin tuwirang alam kung gaano sila ka suwerte na nabiyayaan ng demokrasya. Nakakatulong ang pelikulang Les Misérables sa pagninilay kung gaano dapat pahalagahan ang demokrasya at ang buhay ng tao.

Sa pelikulang Les Misérables, sana nabawasan ang mga marahas na bahagi. Gawing mas malinaw ang mga pangyayari dahil hindi maikakaila na may mga bahaging nakakalito. Kung maari, mas linawin ang mga salitang binibitawan at gumamit ng mga salitang madaling intindihin. Dapat ring bigyang pansin na mahalagang mapanood ito ng mga kabataan dahil sa mga leksyong nakaakibat dito kaya hindi dapat ito nilagyan ng malaswang bahagi, kung maaari binawasan o kaunti lamang ang ipinakita upang mapanatili pa rin ang ipinapahayag ng kuwento. Nakakatulong at  nakakapagbigay leksyon ang pelikula hindi lang sa nakakatanda, pati na rin sa mga kabataan ngunit may mga bahaging masyadong marahas na naging dahilan kung bakit hindi ito angkop sa mga inosenteng kaisipan ng mga kabataan. Ang pelikula ay maganda at makahulugan. Kaya sana mas pinalawak pa ang ipinapahayag ng kuwento at ng mga tauhan nito. 
   
Makahulugan ang pelikulang Les Misérables ngunit kung manonood ng pelikula, dapat malawak at bukas ang kaisipan  ng manonood sa mga pangyayari. Hindi ito angkop sa mga inosenteng isip at mga kabataan maliban kung may pahintulot ng nakakatanda na panuorin ang pelikula. May ibang parte sa pelikula na nagpapakita ng pag-ibig at pag-asa kung saan nagpapatibay ito ng samahan sa kuwento.Mga simbolo ng paninindigan ng isang tauhan sa pelikula na natamo niya ang kaniyang layunin ng pagmamahal at habag. Bilang mga mag-aaral, nakita namin na nakakatulong ang pelikula at nakakapagbigay  unawa ito sa mga bagay na hindi pa namin nararanasan o nakikita.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento